Iginiit ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na hindi sapat ang ipinatupad na P85 na dagdag sa minimum na sahod sa National Capital Region (NCR), dahil malayo umano ito sa tunay na pangangailangan ng mga manggagawa sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Mary Anne Castillo, secretary general ng KMU, na walang malinaw na batayan ang inaprubahang wage increase kumpara sa patuloy na pagtaas ng inflation at pagbaba ng halaga ng piso.

Ayon sa KMU, malayong-malayo ang P85 na dagdag sa panawagan nilang P1,200 family living wage, na batay sa pag-aaral ng IBON Foundation ay nasa P1,312 na ang kinakailangang arawang kita ng isang pamilya upang matugunan ang pangunahing pangangailangan.

--Ads--

Sinabi rin ni Castillo na ang wage increase ay para lamang sa minimum wage earners sa Metro Manila at hindi nito natutugunan ang kalagayan ng milyun-milyong manggagawa sa iba pang rehiyon.

Binigyang-diin ng labor leader na hindi aniya makatwiran ang pangambang magsasara ang mga negosyo kapag ipinatupad ang mas mataas na sahod.

Ayon pa sa KMU, wala umanong naging makabuluhang legislative wage increase mula pa noong 1989, dahilan upang patuloy nilang isulong ang pagpasa ng panukalang batas na magbibigay ng across-the-board wage hike sa lahat ng manggagawa sa pribadong sektor.

Naniniwala si Castillo na dapat bigyang-priyoridad ng pamahalaan ang kapakanan ng mga manggagawa dahil sila ang pangunahing lumilikha ng yaman ng bansa at malaking bahagi ng ekonomiya.

Kasabay nito, muling iginiit ng KMU ang panawagan na alisin ang excise tax at value-added tax (VAT) sa produktong petrolyo upang makatulong sa pagpapababa ng presyo ng mga bilihin.

Ayon kay Castillo, magpapatuloy ang kanilang mga pagkilos at pakikilahok sa mga protesta kasabay ng SONA upang ipanawagan ang pagpapatupad ng P1,200 family living wage at iba pang repormang makatutulong sa mga manggagawa.