Posibleng maging pinakamahabang impeachment trial sa kasaysayan ng bansa ang paglilitis laban kay VP Sara Duterte, ayon kay Senate Secretary Renato Bantug.

Batay sa pagtaya ng impeachment clerk of court, maaaring umabot sa pitong buwan ang trial, dahil tatlong araw kada linggo ang target na iskedyul ng paglilitis.

Ang pitong-buwang projection, ayon kay Bantug, ay nakabatay sa 92 trial days na hiningi ng House Prosecution Panel at 30 araw na hiningi ng Defense Panel upang maipresenta ng dalawang panig ang kanilang ebidensiya at mga testigo.

--Ads--

Gayunpaman, posible pa rin aniyang mapapaikli ang proseso kung mas maraming witness ang maipresenta bawat araw.

Kung ikukumpara sa mga nakaraang impeachment trial, umabot lamang sa 44 araw ang paglilitis kay dating Chief Justice Renato Corona noong 2012.

Samantala, ang naunang trial laban kay dating Pangulong Joseph Estrada noong 2001 ay tumagal lamang ng 23 araw, matapos mag-walkout ang House Prosecution Panel dahil tumanggi noon ang Senate Impeachment Court na buksan ang tinaguriang “second envelope.”

Ang naturang insidente ang nagtulak sa ikalawang EDSA People Power Revolution na tuluyang nagpatalsik kay Estrada mula sa puwesto.

Ayon kay Atty. Bantug, isa sa pangunahing pinaghahandaan ng impeachment court ang mahabang trial, habang kinakailangang balansehin ang trabaho nito bilang lehislatura, tulad ng paggawa ng batas, pagbusisi sa mga panukalang batas, at pagsusuri sa panukalang pondo para sa susunod na taon, bukod pa sa iba pang mahahalagang gawaing pambatas.// Via Bombo Dennis Jamito