Sa isang panayam sa Bombo Radyo Dagupan, binatikos ni Cathy Estavillo, Spokesperson ng Bantay Bigas, ang kasalukuyang kalagayan ng industriya ng bigas sa bansa, partikular ang maling pag-label ng mga produkto at ang hindi epektibong pagpapatupad ng price caps.

Ayon kay Estavillo, naging talamak ang maling pag-label kung saan ang mga imported na bigas ay ipinapasa bilang mas mahal na lokal na uri upang masamantala ang pagkakaiba ng presyo sa merkado. Iginiit niya na bagama’t may mga batas laban sa price manipulation, hoarding, at smuggling, wala pa ring tunay na napapanagot ang rehimeng Marcos, lalo na ang mga malalaking negosyante at smuggler. Sa halip, ang mga maliliit na retailer lamang ang madalas na napagtutuunan ng pansin ng gobyerno.

Kaugnay ng nakatakdang pagtatapos ng Executive Order 118 na nagtatakda ng Php50 bawat kilo na price cap, sinabi ni Estavillo na hindi ito sapat at hindi rin tinatanggap ng mga retailer dahil sa mataas na presyo ng pagbagsak ng mga trader at miller.

--Ads--

Dahil dito, nanawagan ang Bantay Bigas na dalhin ang ₱20 kada kilo ng bigas sa mga pampublikong palengke sa halip na limitahan ito sa mga Kadiwa center.

Hiling rin nila na ibalik ang subsidized na presyo na ₱27 at ₱32 kada kilo na dating ipinatutupad ng National Food Authority (NFA) bago ang implementasyon ng Rice Tariffication Law (RA 11203). At pansamantalang suspendihin ang probisyon ng naturang batas na nagbabawal sa interbensyon ng gobyerno sa presyo ng bigas sa mga pamilihan.

Nagpahayag din ng matinding pangamba ang grupo sa epekto ng Super El Niño sa susunod na mga buwan. Ayon kay Estavillo, napilitan ang mga magsasaka na bawasan ang kanilang itinatanim at tipirin ang paggamit ng abono at pestisidyo dahil sa halos 50% na pagtaas sa presyo ng mga input sa produksyon, kabilang ang gasolina at renta sa makinarya.

Upang matiyak ang sapat na ani at maiwasan ang sobrang pagdepende sa importasyon, iginiit ng Bantay Bigas ang agarang pagbibigay ng Php50,000 production subsidy bawat magsasaka.

Binigyang-diin ni Estavillo na ang pautang ay hindi sapat dahil baon na sa utang ang mga magsasaka; kailangan na ng direktang suporta upang mapalakas ang lokal na produksyon at mapababa ang presyo para sa mga konsyumer.