Nagtapos nang hindi binubuksan ang sealed box mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na umano’y naglalaman ng mga tax documents ni Vice President Sara Duterte matapos ang huling araw ng pre-trial conference para sa impeachment case ng Ikalawang Pangulo.
Ayon sa House prosecution panel, hiniling nilang buksan at gawing ebidensya ang naturang kahon. Gayunpaman, hindi ito napagdesisyunan sa isinagawang pre-trial conference.
Dahil kailangan muna raw magsumite ng komento ang kampo ni VP Sara bago pagdesisyunan ng Senate impeachment court kung maaari nang buksan ang naturang kahon at gamitin bilang ebidensya sa paglilitis.
Matatandaang ipinaseal ang ”green box” ng House Justice Committee matapos tutulan ng BIR ang pagbubukas nito noong dinidinig pa ang reklamong impeachment sa House of Representatives.
Sa kabila nito, sinabi ng prosecution panel na naihanda at namarkahan naman daw ang iba pang ebidensyang nais nilang iharap sa paglilitis.
Inaasahan namang maglalabas ang Senate impeachment court ng pre-trial order na magsisilbing gabay sa susunod na mga hakbang ng impeachment trial.
Si Sara Duterte ay nahaharap sa mga reklamong may kinalaman sa umano’y paglabag sa Konstitusyon, graft and corruption, panunuhol, betrayal of public trust, at iba pang mabibigat na paratang.
Samantala, patuloy na humihiling sa korte ang kanyang kampo na ibasura ang impeachment case.










