Isang nakagugulat at kakaibang insidente ang naganap sa isang zoo malapit sa Cambridge, England matapos mapunta ang isang 3-taong-gulang na batang lalaki sa loob ng kulungan ng mga buwaya.
Ayon sa ulat, agad na rumesponde ang mga awtoridad matapos makatanggap ng tawag tungkol sa insidente sa Johnsons Zoo sa Old Hurst.
Dinala ang bata sa ospital at kasalukuyang nasa kritikal ngunit matatag na kondisyon.
Lalong naging misteryoso ang pangyayari nang arestuhin ng pulisya ang isang 30-anyos na lalaki dahil sa hinalang tangkang pagpatay. Sa kabila nito, sinabi ng mga imbestigador na wala umanong anumang ugnayan o pagkakakilala ang lalaki at ang bata.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad kung paano napunta ang bata sa kulungan ng mga buwaya at kung ano ang eksaktong nangyari bago ang insidente.
Ang naturang zoo ay tahanan ng mahigit 100 hayop, kabilang ang mga leon, tigre, capybara, meerkat, at siyempre, mga buwaya na siyang naging sentro ng kakaibang pangyayaring ito.










