Inihayag ni Vice President Sara Duterte na dapat magsilbing wake-up call sa kasalukuyang administrasyon ang deadly shooting incident sa paaralan sa Tacloban City.

Sa isang pahayag ngayong Martes, Hunyo 23, iginiit ng Bise Presidente na ipinapakita ng trahediya ang seryosong puwang sa kakayahan ng gobyerno na protektahan ang mga kabataan.

Ayon sa Pangalawang Pangulo, walang magulang ang nais na maging biktima ng karahasan ang kanilang anak.

--Ads--

Hindi rin aniya ito ang unang pagkakataon na may mga mag-aaral na nasaktan sa loob o sa labas ng paaralan o sa kasagsagan ng mga aktibidad sa eskwelahan.

Ipinunto ng Bise Presidente ang kamakailang pagkasawi ng dalawang Ateneo student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili, matapos malunod sa Dipaculao Aurora.

Kaugnay nito, nanawagan si VP Sara sa gobyerno na harapin ang mga seryosong puwang sa kanilang abilidad na protektahan ang mga kabataan.

Umapela rin ang Bise Presidente ng proteksiyon para sa mga estudyante mula sa pang-aabuso, kapabayaan at karahasan maging mula sa online platforms at mula sa mga indibidwal na inaabuso ang kahinaan ng mga kabataan.

Binigyang-diin din ni VP Sara na dapat panatilihing ligtas ang mga mag-aaral sa loob at labas ng mga paaralan. Nagpaabot din ng lubos na pagkalungkot at pagaalala si VP Sara, na dati ring nagsilbing kalihim ng DepEd, kaugnay sa shooting incident.

Ginawa ng Bise President ang pahayag isang araw matapos ang pamamaril sa San Jose National High School na kumitil sa tatlong estudyante at ikinasugat ng 22 iba pa kung saan dalawang menor de edad ang suspek sa karumal-dumal na krimen. | via Bombo Everly Rico