Patuloy na isinusulong ng Corporate Farming ng Provincial Agriculture Office sa ilalim ng liderato ni Pangasinan Governor Ramon V Guico III ang direktang tulong para sa mga magsasaka sa pamamagitan ng paggamit ng mga makabagong makinarya.
Katuwang ang Philippine Rice Research Institute Batac, nagsagawa ng technical demonstration sa 24.5 hektaryang sakahan sa Barangay Barraca, Villasis, Pangasinan.
Itinuro sa mga magsasaka rito ang advantage sa paggamit ng mga makabagong makinarya tulad ng mechanical transplanting machine.
Layon nito na buksan ang isipan ng mga magsasaka para sa mas matipid, mas mabilis at mas maayos na pagtatanim ng punla ng palay gamit ang mechanical rice transplanter.
Higit dito, nais ni Pangasinan Governor Ramon V Guico III na itaas ang kita ng mga magsasakang Pangasinense at i-angat ang kabuhayan ng mga Pangasinenseng magsasaka.
Sa isinagawang farm demonstration, ipinaliwanag sa mga magsasaka ang laking tipid sa paggamit ng makabagong makinarya, dahil sa bawat ektaryang gagamitan ng rice planter tinatayang aabot lamang sa 13,500 pesos ang gagastusin ng magsasaka, samantalang tinatayang higit 15,000 pesos ang gugugulin bawat ektarya kung mano- manong paraan ang pagtatanim ng palay bukod pa sa pakain sa mga farm workers at ilan pang gastusin.
Bukod sa makakatipid rin sa oras ang mga magsasaka, at ligtas na rin sila sa mas pagod na katawan.
Dahil sa patuloy na pakikipagtulungan ng Corporate Farming sa PhilRice, ayon kay Anielyn Alibuyog, Research Development Coordinator, maayos ring naipapa abot sa mga magsasaka sa Pangasinan ang mga benipisyo mula sa ahensya, tulad ng mga makinarya at mga pagsasanay na higit na kailangan ng mga magsasaka upang makasabay sa mga makabagong paraan sa pagtatanim at matulungang itaas ang ani ng mga magsasaka.
Sa ginawang Techo Demo sa mga sakahan ng Lipay Barraca Development Association, base kay Rodolfo Castro, Consultant on Corporate Farming, umaabot lamang sa 24,500 pesos ang nagamit na pondo mula sa Pamahalaang Panlalawigan, kumpara sa tinatayang nasa 367,000 pesos na gagagstusin sakaling gagamitan ng mano-manong pamamaraan ang nasa 24.5 na ektaryang rice field dito.
Kaya naman, malaki ang pasasalamat ng mga magsasaka sa patuloy na pag-alalay at malasakit ng provincial government para sa kanila.










