Dagupan City – Muling ipinaalala ng Office of Civil Defense (OCD) Region 1 sa publiko ang kahalagahan ng pagsasagawa ng earthquake drill kasunod ng naganap na lindol sa Mindanao.

Ayon kay Adreanne Pagsolingan, Public Information Officer ng OCD Region 1, isa sa mga nakikitang kakulangan ng publiko ay ang wastong pagsasagawa ng “Duck, Cover and Hold” na aniya’y pinakamahalagang hakbang sa oras ng lindol.

Ipinaliwanag ni Pagsolingan na hindi dapat gumalaw o maglakad habang lumilindol. Sa halip, kinakailangang manatili sa ligtas na posisyon at agad na lumipat sa pinakaligtas na lugar kapag tumigil na ang pagyanig.

--Ads--

Binigyang-diin din nito na mahalagang alam ng bawat isa ang tamang paraan ng “Duck, Cover and Hold” dahil maaaring dumating ang lindol anumang oras, saan mang lugar tulad ng tahanan, paaralan, o opisina.

Dagdag pa niya, malaking tulong ang regular na pagsasagawa ng earthquake drills dahil nagiging bahagi na ito ng muscle memory ng mga tao. Dahil dito, mas nagiging handa at alam na nila ang tamang aksyon kapag nakararanas ng lindol.

Patuloy rin ang paalala ng OCD tungkol sa paghahanda ng go bag na dapat naglalaman ng hindi bababa sa tatlong araw na suplay ng mahahalagang pangangailangan tulad ng tubig, pagkaing hindi madaling masira, kumot, flashlight, kandila, radyo, at iba pang emergency supplies.

Mahalaga rin aniyang malaman ng publiko ang mga nakatalagang evacuation area at mga emergency contact number upang madaling makahingi ng tulong kung kinakailangan.

Samantala, pinayuhan ni Pagsolingan ang mga residente na huwag agad bumalik sa mga gusali o establisimyento matapos ang lindol hangga’t hindi natitiyak na ligtas ang mga ito, dahil maaaring may pinsalang natamo ang mga istruktura na maaaring magdulot ng panganib.

Nagbabala rin ang OCD sa posibilidad ng tsunami kasunod ng malalakas na lindol, kabilang ang naitalang magnitude 6.5 na pagyanig.

Ayon dito, mahalagang bantayan ang tatlong natural na palatandaan ng tsunami: malakas o matagal na lindol, biglaang pag-atras o pagtaas ng tubig-dagat, at hindi pangkaraniwang malakas na ugong o tunog mula sa karagatan.

Pinapayuhan ang publiko na agad lumikas patungo sa mataas at ligtas na lugar kapag napansin ang alinman sa mga naturang senyales.