Dagupan City – Nakiisa ang mahigit 860 mag-aaral ng Binmaley North Elementary School sa isinagawang 2nd Nationwide Simultaneous Earthquake Drill (NSED) nitong Hunyo 18 bilang bahagi ng pagpapalakas ng kahandaan ng paaralan at komunidad laban sa lindol at iba pang kalamidad.

Pinangunahan ang aktibidad ng Lokal na Pamahalaan ng Binmaley sa pamamagitan ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pangunguna ni Mayor Pedro “Pete” Merrera III, chairman ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC), at ni MDRRM Officer Armenia Delos Angeles.

Ayon kay Mercy Estrada, Ed.D., Principal III ng Binmaley North Elementary School, layunin ng earthquake drill na sanayin ang mga mag-aaral sa tamang pagtugon sakaling magkaroon ng malakas na lindol.

--Ads--

Aniya, mahalagang mahasa ang kaalaman at kakayahan ng mga mag-aaral upang maging handa sa mga hindi inaasahang kalamidad.

Naging katuwang ng paaralan sa pagsasagawa ng aktibidad ang MDRRMO, Binmaley PNP, Bureau of Fire Protection, Philippine Coast Guard Sub-Station Dagupan, Philippine Army, mga opisyal ng Barangay Poblacion, mga guro, magulang, Sangguniang Kabataan officials, Barangay Health Workers, barangay tanod, at iba pang residente ng komunidad.

Napili ang Binmaley North Elementary School bilang venue ng drill dahil sa malaking bilang ng mga mag-aaral nito at sa kawalan ng nakatalagang evacuation area sa loob ng paaralan.

Dahil dito, nakipag-ugnayan ang paaralan sa MDRRMO at mga opisyal ng barangay upang italaga ang open field sa Borgo Street bilang pansamantalang evacuation center sakaling magkaroon ng emerhensiya.

Dahil matatagpuan ang paaralan sa kahabaan ng pangunahing lansangan, naging mahalaga rin ang koordinasyon sa iba’t ibang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral habang isinasagawa ang evacuation procedures.