Mariing itinanggi ni Megastar Sharon Cuneta ang anumang kaugnayan niya at ng kanyang asawang si Senator Francis ”Kiko” Pangilinan sa mga alegasyong ibinato ng mga umano’y dating bodyguard ni dating Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co kaugnay ng sinasabing pamamahagi ng maletang pera.

Sa isang pulong balitaan ngayong araw, Hunyo 16, ipinakita ng mga dating bodyguard ni Co ang ilang larawan at iginiit na nakapaghatid umano sila ng mga maleta na may lamang pera sa iba’t ibang personalidad, kabilang ang ilang pulitiko at mamamahayag.

Isa sa mga larawang ipinakita ay kuha nina Sharon Cuneta at Senator Pangilinan kasama ang mga umano’y empleyado ni Co.

--Ads--

Gayunman, walang ibinigay na detalye ang mga testigo kung paano nauugnay ang naturang larawan sa kanilang mga alegasyon.

Sa isang Facebook post, tinawag ni Cuneta na “mga sinungaling” ang mga naglabas ng larawan.

Ayon sa aktres, kuha ang larawan noong bumiyahe ang kanilang pamilya sa Marawi upang personal na pasalamatan ang mga lokal na opisyal at residente na sumuporta kay Pangilinan noong halalan sa Senado noong 2025.

Dagdag pa niya, wala umanong katwiran ang paratang na may ipinasa sa kanilang mga maleta sa naturang lugar.

Samantala, nagbabala naman si Pangilinan na pananagutin niya ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng mga alegasyon.

Sa kanyang pahayag, sinabi ng senador na dahil nadamay na ang kanyang pamilya, handa siyang magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga responsable sa umano’y paninirang-puri.

Naniniwala rin si Pangilinan na ang mga paratang laban sa kanya ay bahagi lamang ng pagtatangkang sirain ang kanyang reputasyon, lalo na sa gitna ng mga usapin kaugnay ng imbestigasyon sa umano’y flood control scam.

Iginiit ng senador na wala umanong batayan ang mga alegasyong ibinabato laban sa kanila.