Malaking bagay para sa Pilipinas ang suporta ng Germany sa Pilipinas sa posisyon nito sa West Philippine Sea (WPS).

Hayagang inihayag ni German President Frank-Walter Steinmeier sa kanilang pulong ni Pangulong Marcos kanina sa Palasyo ng Malakanyang ang suporta nito sa Pilipinas lalo na ang pagtataguyod sa rule of law at paggalang sa 2016 Arbitral Award.

Nagpasalamat din si Pangulong Marcos sa Germany sa suporta para sa pagpapalakas at modernisasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa larangan ng maritime at aviation operations.

--Ads--

Kabilang sa tulong ng Germany ang pagkakaloob ng dalawang Airbus H145 twin-engine helicopters noong 2019 at mga unmanned aerial vehicles (UAVs) noong 2024.

Binanggit din ni Pangulong Marcos, na sa usaping militar, tatlong taon na ring sumasali ang Germany bilang observer sa taunang Balikatan exercises.

Sa kanilang pagpupulong, tinalakay ng dalawang lider ang mga kasunduan sa ekonomiya, depensa, at kapayapaan. 

Binigyang-diin ng Pangulo, nananatili ang Germany bilang pinakamalaking kabalikat ng Pilipinas sa kalakalan sa buong European Union, na may kabuuang palitan ng kalakal na umabot sa USD 5.5 bilyon noong 2025.

Pinuri din ng Pangulo ang kontribusyon ng mahigit 45,000 Pilipino sa Germany, partikular na ang mga nars at iba pang propesyonal, na nagsisilbing matibay na tulay sa pagkakaibigan ng dalawang bansa.