Magpapatupad ang lokal na pamahalaan ng Calasiao ng “Adopt-a-Creek Program” sa iba’t ibang barangay bilang bahagi ng mga hakbang upang maibsan ang problema sa pagbaha sa bayan.

Ayon kay Calasiao Mayor Patrick Agustin Caramat, inaasahang ilalabas sa loob ng buwang ito ang mga panuntunan o guidelines para sa pagpapatupad ng programa.

Sinabi ng alkalde na layunin ng programa na buhayin at linisin ang mga creek o sapa upang maging maayos ang daloy ng tubig, lalo na tuwing may malalakas na pag-ulan.

--Ads--

Naniniwala ang lokal na pamahalaan na ang regular na paglilinis at pangangalaga sa mga daluyan ng tubig ay makatutulong upang maiwasan ang pagbabara at mabawasan ang panganib ng pagbaha sa mga komunidad.

Kasabay nito, hinimok ni Caramat ang mga residente na makiisa sa mga programa ng pamahalaan sa pangangalaga ng kalikasan sa pamamagitan ng pagpapanatiling malinis ng kanilang kapaligiran at wastong pagtatapon ng basura.

Umaasa ang LGU na sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mga barangay at mamamayan ay mas mapapalakas ang mga hakbang laban sa pagbaha at mapapanatiling maayos ang mga daluyan ng tubig sa bayan ng Calasiao.