Dagupan City – Nakahanda nang maglingkod at manguna ang mga batang lider ng Dagupan matapos ang pormal na pagbubukas ng programang Manlingkor ya Kalangweran o MYK.

Ang programa ay naglalayong hubugin ang kanilang kakayahan at pagkatao para ihanda sa magandang kinabukasan ng lungsod.

Kinikilala ang mga kalahok sa programa bilang mga kabataang may potensyal na maging mga guro, doktor, inhenyero, negosyante, kawani ng pamahalaan, at mga pinuno ng komunidad balang araw.

--Ads--

Sa loob ng mahabang panahon, nagsilbi ang MYK bilang daan upang maranasan mismo ng mga kabataang taga-Dagupan ang kahalagahan ng paglilingkod sa kapwa, higit pa sa kanilang pag-aaral sa loob ng silid-aralan.

Hinimok din ang mga kalahok na huwag lamang isaalang-alang ang kanilang sarili bilang mga kinatawan ng programa, kundi maging mga tagapagtaguyod din ng mga adhikain tulad ng Bayang Bumabasa at SAFEnet.

Bilang mga kabataang pinuno, binigyang-diin na may kakayahan silang makaimpluwensya sa iba—maging sa paghikayat sa kanilang mga kamag-aral na magbasa at sa pagtulong sa mga mas batang mag-aaral.