Muling nanawagan si Senador Robinhood Padilla para sa agarang pagpasa ng panukalang Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) Act kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan ngayong Biyernes, Hunyo 12.
Ayon sa senador, ipinakita ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao ang pangangailangang magkaroon ng mga disiplinado at nasanay na mamamayan na makatutulong sa evacuation, first aid, search and rescue, at disaster response.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 617, sasailalim sa mandatory basic ROTC training ang mga estudyante sa mga kolehiyo at technical-vocational institutions upang mapalakas ang kahandaan ng bansa sa mga kalamidad at iba pang emergency.
Iginiit ng Senador na ang ROTC Act ay hindi lamang para sa pambansang depensa kundi para rin sa paghuhubog ng responsableng mamamayan na handang maglingkod at tumulong sa oras ng sakuna.










