Dagupan City – Arestado ang isang 45-anyos na lalaki na nakatala bilang Street Level Individual (SLI) matapos mahulihan ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Brgy. Pangapisan North, Lingayen noong Hunyo 10.
Pinangunahan ng mga tauhan ng Lingayen Municipal Police Station, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1, ang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek matapos itong maaktuhang nagbebenta ng isang sachet ng hinihinalang shabu sa isang poseur-buyer kapalit ng P500 buy-bust money.
Nakumpiska rin mula sa pag-iingat ng suspek ang isa pang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang tinatayang timbang na mahigit apat na gramo. Umabot sa tinatayang P28,560 ang kabuuang halaga ng mga nakuhang ilegal na droga batay sa Standard Drug Price.
Narekober din ng mga awtoridad ang buy-bust money, isang asul na cellular phone, at isang Sporty motorcycle.
Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensya sa Urdaneta Forensic Satellite Office para sa kaukulang pagsusuri habang isinailalim naman sa dokumentasyon at tamang disposisyon ang naarestong indibidwal sa Lingayen Municipal Police Station.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.










