Dagupan City – Walang patid ang isinasagawang pagpapaganda sa dating dumpsite sa lungsod ng Dagupan upang maging isang maayos at kaaya-ayang funsite na inaasahang makatutulong sa pag-unlad ng turismo sa lungsod.
Binisita ng alkalde ng lungsod ang pasilidad kung saan matagumpay nang naisagawa ang pagpapatag o leveling works para sa Phase 1 ng proyekto.
Patuloy din ang pagpapalawak ng mga bahagi ng lugar na nalinis na, kasabay ng mas pinaigting na kampanyang “Goodbye Basura” na naglalayong tuluyang maalis ang mga natitirang tambak na basura at iba pang sagabal na maaaring makahadlang sa gawain.
Kasabay ng paglilinis, isinasagawa rin ang paglalagay ng mga materyales tulad ng dredging materials, buhangin, at graba upang matiyak na magiging matibay, matatag, at ligtas ang pundasyon ng mga isasaayos na pasilidad.
Kapag natapos na, ang bagong pasilidad ay magsisilbing karagdagang pampublikong lugar na maaaring puntahan ng mga pamilya at kabataan para sa libangan, pagtitipon, at iba pang aktibidad.
Tiniyak naman ng lokal na pamahalaan na patuloy ang paglilinis at paghahanda sa lugar upang mapabilis ang pagsisimula ng mga susunod na yugto ng proyekto at agad itong mapakinabangan ng publiko.










