Nasawi ang isang 20-anyos na lalaki matapos masangkot sa banggaan ng kaniyang motorsiklo at isang mini dumptruck sa kahabaan ng National Road sa Barangay Alipangpang sa bayan ng Pozorrubio, Pangasinan.

Kinilala ang biktima bilang isang service crew at residente rin ng nasabing bayan.

Samantala, ang drayber ng mini dump truck ay isang 37-anyos na lalaki, na may hawak ng balidong lisensya sa pagmamaneho.

--Ads--

Ayon sa paunang ulat ng pulisya, kapwa binabaybay ng dalawang sasakyan ang direksyong pahilaga kung saan nauuna ang trak.

Nang magpasya ang drayber nito na lumiko pakaliwa, bigla itong nabangga sa likuran ng motorsiklong kasunod.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang biktima at nagtamo ng matinding pinsala sa katawan.

Agad siyang dinala sa pinakamalapit na pagamutan ngunit idineklara itong dead on arrival habang hindi naman nasaktan ang drayber ng trak.

Nabatid na walang naipakitang lisensya sa pagmamaneho ang biktima at walang nakakabit na plaka ang kaniyang motorsiklo.

Ang drayber ng trak ay dinala sa himpilan ng pulisya para sa karagdagang pagsusuri.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at matukoy ang pananagutan sa nasabing aksidente.