Tumaas na sa 19 ang bilang ng mga nasawi dahil sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa probinsya ng Sarangani nitong Lunes ng umaga, ayon sa pinakabagong ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Sa kanilang ulat na inilabas alas-4 ng hapon, sinabi ng NDRRMC na sa 19 na nasawi, 16 ay mula sa SOCCSKSARGEN o Region XII habang tatlo ay mula sa Davao Region o Region XI.
Sa 16 na nasawi sa SOCCSKSARGEN, sampu ay mula sa General Santos City, tatlo mula sa Glan, dalawa mula sa Tupi, at isa mula sa Malapatan.
Samantala, nagtala rin ang ahensya ng 147 sugatan, 142 mula sa SOCCSKSARGEN at lima mula sa Davao Region.
Bukod dito, iniulat ng NDRRMC na may tatlong nawawala sa General Santos City matapos ang naturang malakas na lindol.










