Dagupan City – Matagumpay na isinagawa ng lokal na pamahalaan sa bayan ng San Nicolas sa pamumuno ng iba’t ibang ahensya ang pagliligtas at pagtulong sa isang babaeng may kapansanan o persons with disability na matagal nang namamalagi sa mga lansangan.
Bahagi ito ng kanilang misyon na tugunan ang pangangailangan ng mga mahihina at nangangailangan kung saan pinagsama-samang kumilos ang Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO), katuwang ang Persons with Disability Affairs Office (PDAO), San Nicolas Municipal Police Station (MPS), Municipal Health Office (MHO), at ang Sangguniang Barangay ng Salingcob.
Ayon sa ulat, halos isang taon nang naninirahan ang nasabing indibidwal sa mga kalsada ng kalapit na bayan ng Tayug.
Agad siyang binigyan ng paunang pagpapayo at pagsusuring medikal upang masiguro ang kanyang kaligtasan at kalusugan.
Matapos ang kinakailangang tulong at rehabilitasyon, matagumpay na naibalik ang nasabing indibidwal sa kanyang pamilya at komunidad sa Barangay Salingcob.
Samantala, patuloy naman na binabantayan ng pamahalaang bayan at ng konseho ng barangay ang kanyang kalagayan upang matiyak na makatatanggap siya ng sapat na suporta at serbisyong angkop sa kanyang kalagayan.










