Naharang ng mga puwersa ng Estados Unidos ang ilang ballistic missile at drone ng Iran na inilunsad patungo sa Strait of Hormuz at Gulf area, ayon sa pahayag ng U.S. Central Command (CENTCOM).
Ayon sa CENTCOM, pitong ballistic missile ang pinakawalan ng Iran patungo sa Kuwait at Bahrain ilang oras matapos pabagsakin ng mga puwersa ng U.S. ang apat na one-way attack drone na inilunsad patungo sa Strait of Hormuz.
Sinabi nitong nagdulot ng agarang banta ang mga drone sa mga naglalayag na mga barko sa rehiyon.
Bilang tugon, pinuntirya ng mga puwersa ng U.S. ang mga coastal surveillance radar site ng Iran sa Goruk at Qeshm Island upang mapigilan ang posibleng karagdagang pag-atake sa karagatan.
Batay sa paunang pagsusuri ng CENTCOM, anim sa pitong missile na inilunsad ng Iran ang naharang, habang ang ikapito ay hindi umabot sa target nito.










