Nagpapatuloy ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) Region I sa pagpapatupad ng mga programa upang matulungan ang mga mangingisdang naapektuhan ng red tide sa mga bayan ng Anda at Bolinao.

Ayon kay BFAR Region I Regional Director Remely Lachica, nagsagawa ang kanilang tanggapan ng serye ng konsultasyon at dayalogo kasama ang mga lokal na pamahalaan at Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang matugunan ang pangangailangan ng mga apektadong mangingisda.

Batay sa isinagawang konsultasyon, umabot sa 304 mangingisda sa Anda at 441 naman sa Bolinao ang direktang naapektuhan ng ipinatupad na shellfish ban dahil sa red tide contamination.

--Ads--

Bilang paunang tulong, namahagi ang BFAR, katuwang ang mga LGU at DSWD, ng food packs para sa mga pamilyang umaasa sa pangingisda. Gayunman, binigyang-diin ni Lachica na pansamantala lamang ang naturang ayuda kaya’t kinakailangang magkaroon ng mas pangmatagalang solusyon para sa kanilang kabuhayan.

Sa isinagawang konsultasyon, nagmungkahi ang mga kinatawan ng mga mangingisda ng ilang livelihood projects. Kabilang sa mga ito ang pag-aalaga ng lapu-lapu, shell craft making, operasyon ng pampasaherong bangka, at poultry production sa Anda. Samantala, sa Bolinao naman ay iminungkahi rin ang lapu-lapu culture, pagtatayo ng tindahan ng fishing supplies, at shell craft making.

Sa kabila ng epekto ng red tide, nilinaw ni Lachica na hindi namatay ang mga talaba sa mga apektadong lugar kundi pansamantalang ipinagbawal lamang ang pag-aani at pagbebenta nito upang mapangalagaan ang kalusugan ng publiko. Aniya, tumaas pa nga ang bilang ng mga talaba habang umiiral ang shellfish ban.

Tiniyak din ng BFAR na handa silang tumulong sa marketing at pagbebenta ng mga produkto ng mga mangingisda sa pamamagitan ng mga programang tulad ng KADIWA.

Nagpaalala naman si Lachica sa mga mangingisda at aquaculture producers na patuloy na sundin ang tamang pamamaraan sa pangingisda at pag-aalaga ng isda upang matiyak ang tuloy-tuloy at sapat na produksyon.