Dagupan City – Umabot sa 1,690 na kwalipikadong driver at rider ng Private Express and Messengerial Delivery Service (PEMEDES) mula sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Pangasinan ang tumanggap kamakailan ng tulong pinansyal mula sa Department of Social Welfare and Development Field Office 1 (DSWD FO 1).

Ginanap ang pamamahagi sa dalawang sentro sa Lingayen at Urdaneta City kung saan bawat benepisyaryo ay tumanggap ng tig-P5,000 na cash relief assistance.

Ito ay kasunod ng naunang pamamahagi noong Abril at Mayo para sa mga miyembro ng Tricycle Operators and Drivers Association (TODA) at Jeepney Operators and Drivers Association (JODA).

--Ads--

Aabot sa P8,450,000 ang kabuuang halaga ng tulong na inilaan para sa mga benepisyaryo sa Pangasinan.

Bukod dito, nauna nang isinagawa ang pamamahagi ng tulong para sa mga PEMEDES noong nakaraang linggo sa mga lalawigan ng Ilocos Sur at Ilocos Norte.

Samantala, inaasahan ng ahensya na makatutulong ito upang mapanatili nila ang kanilang hanapbuhay at patuloy na maihatid ang mga serbisyo at produkto sa iba’t ibang panig ng Rehiyon Uno.