Dagupan City – Pagtatanim ng Sorghum para sa Silage, Sinimulan na sa Umingan; Pinakamalaking Cattle Feedlot sa Bansa, Planong Itayo sa Bayan

Sinimulan na ang pagtatanim ng Sorghum sa bayan ng Umingan matapos ang halos tatlong buwang pagkaantala dahil sa matagal na tagtuyot.

Magsisilbi ang proyekto para sa produksyon ng silage at paghahanda para sa pinakamalaking Cattle Feedlot sa bansa na itatayo sa bayan.

--Ads--

Nasa anim na ektarya ng lupain ang unang tinamnan na nagsisilbing panimulang bahagi ng pagtatanim ng Sorghum sa rehiyon, na layuning makabuo ng sapat na pagkain para sa inaasahang 14,000 baka sa feedlot.

Sa pamamagitan nito, isasagawa ngayong taon ang Umingan Cattle Feedlot Project gamit ang 500 piraso ng baka para sa mga pagsubok sa pagpapalaki, bago dumating ang 3,500 na piraso ng baka bawat buwan mula sa Australia.

Kakailanganin ng hindi bababa sa 2,000 ektarya ng lupain na tataniman ng Sorghum para matustusan ang mga baka, na aanihin sa ika-75 araw at iimbak sa mga bunkers.

Bukas naman ang mga lokal na magsasaka na makilahok sa proyekto, at tutulungan sila ng lokal na pamahalaan at First Atkins Farms sa teknolohiya, pondo, at mga binhi.

Layunin ng proyekto na mapalakas ang seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga komunidad sa Rehiyon 1, habang hinahanda ang mas malaking operasyon ng feedlot na magdudulot ng mas maraming trabaho at pag-unlad sa bayan.