Dagupan City – Nagresulta sa pagkakakumpiska ng kabuuang 183 baril, at pag-aresto sa 25 indibidwal sa isinagawang 25 na operasyon ng Police Regional Office 1 (PRO 1) laban sa loose firearms noong Mayo 2026.

Bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng pulisya para bawasan ang bilang ng mga baril na walang kaukulang dokumento at awtorisasyon sa rehiyon.

Sa kabuuang bilang ng mga sandatang napasakamay ng mga awtoridad: 22 ang nakumpiska, pitong baril ang nabawi, 132 ang kusang-loob na isinuko ng mga may-ari, at 22 naman ang idineposito para sa wastong pag-iingat at dokumentasyon.

--Ads--

Ayon sa PRO1 ang pakikipagtulungan ng mga mamamayan ay mahalaga para mabawasan ang mga loose firearms sa mga komunidad.

Ang pagbawas sa mga baril na hindi sumusunod sa tamang proseso ay nakatutulong din upang mapababa ang posibilidad ng karahasan at iba pang kriminalidad sa Rehiyon 1.

Samantala, hinikayat ng kapulisan ang lahat ng may-ari ng baril na sumunod sa mga umiiral na regulasyon at makiisa sa mga programa ng pamahalaan para sa responsableng pagmamay-ari ng sandata, na naglalayong lumikha ng mas ligtas na mga komunidad sa buong rehiyon.