Arestado ang isang 31-anyos na lalaki matapos mahulihan ng hinihinalang ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation ng mga awtoridad noong gabi ng Hunyo 2 sa Bypass Road, Zone 1, Brgy. Nancayasan, Urdaneta City
Bandang alas-7:05 ng gabi nang magsagawa ng anti-illegal drug operation ang mga tauhan ng Urdaneta City Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1 sa ilalim ng Control No. 1-00-06022026-019.
Sa operasyon, nahuli ang suspek matapos umanong magbenta ng hinihinalang shabu sa isang poseur-buyer. Nakumpiska mula sa kanyang pag-iingat at kontrol ang dalawang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting kristalinong substansiya na pinaniniwalaang shabu.
Tinatayang may kabuuang timbang na dalawang gramo ang mga nakuhang ilegal na droga na may katumbas na Standard Drug Price na P13,600.
Bukod sa hinihinalang shabu, nasamsam din ng mga operatiba ang isang translucent glass tooter, isang digital weighing scale, isang cellular phone, isang kulay abong belt bag, isang itim na motorcycle na walang nakakabit na plaka, isang tunay na P500 bill, at isang P500 machine-copy bill na ginamit bilang boodle money sa operasyon.
Dinala ang suspek kasama ang lahat ng nakumpiskang ebidensiya sa Urdaneta City Police Station para sa wastong dokumentasyon at disposisyon.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 12 ng Article II ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa naarestong suspek.










