Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Binmaley Municipal Police Station matapos matagpuan ang bangkay ng isang lalaki sa Sitio Baguio Taloy, Barangay Papagueyan sa nasabing bayan.
Ayon kay PLtCol Lister A. Saygo, Chief of Police ng Binmaley PNP, agad na rumesponde ang mga pulis matapos makatanggap ng ulat mula sa barangay captain ng lugar hinggil sa pagkakatuklas sa walang buhay na katawan ng isang lalaki sa ilalim ng puno ng mangga.
Kaagad na nagsagawa ng imbestigasyon ang mga first responder at investigator sa lugar habang humingi rin ng tulong sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) upang maayos na maproseso ang pinangyarihan ng insidente at makalap ang mga posibleng ebidensya.
Tumagal ng ilang oras ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng biktima.
Sa tulong ng mga barangay captain at iba pang katuwang ng pulisya sa buong lalawigan, positibong nakilala ang lalaki bandang alas-4 ng hapon ng parehong araw. Lumabas sa imbestigasyon na hindi residente ng Binmaley ang biktima.
Sa paunang pagsusuri ng mga awtoridad, wala umanong nakitang palatandaan na ang biktima ay nasangkot sa insidenteng may kaugnayan sa baril o pananaksak.
Gayunpaman, nakatakda sanang isailalim sa autopsy ang bangkay upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay.
Hindi na natuloy ang autopsy matapos pumirma ang pamilya ng biktima ng waiver at affidavit of disinterest na nagsasaad na hindi na nila nais ipagpatuloy ang mas malalim na imbestigasyon kaugnay ng sanhi ng pagkamatay.
Sa kabila nito, nagpapatuloy pa rin ang internal investigation ng Binmaley PNP upang matukoy kung paano at bakit napunta ang bangkay sa Barangay Papagueyan.
Kasalukuyan ding kinakausap ng mga pulis ang mga residente sa lugar at sinusuri ang mga available na CCTV footage mula sa mga paaralan at establisimyento na malapit sa pinangyarihan ng insidente.
Nanawagan naman ang pulisya sa publiko na agad na magbigay ng impormasyon kung may nalalaman o napansing kahina-hinalang pangyayari na maaaring makatulong sa paglilinaw ng kaso.
Ayon sa mga awtoridad, isang isolated case ang insidenteng ito sa bayan ng Binmaley at umaasa silang hindi na ito mauulit sa hinaharap.









