Dagupan City – Naghahanda laban sa banta ng dengue ang Judge Jose De Venecia Sr. Technical-Vocational Secondary School sa Barangay Bolosan kasabay ng paghahanda para sa pagbubukas ng klase dahil nagsisimula na din ang tag-ulan.
Pinamumunuan ni Dr. Medarlo De Leon, Principal IV ng paaralan, ang mga gawain para sa kalinisan at kaligtasan ng mga mag-aaral.
Ayon sa kanya, ngayong Brigada Eskwela 2026, prayoridad nila linisin ang lahat ng dako o sulok ng paaralan, tinatanggal ang mga nakatambak na tubig, at tinatanggal ang mga lugar na maaaring maging pugad ng mga lamok.
Mahigpit nila itong susuriin upang matiyak na walang maiiwang basura o tambak na tubig.
Bukod dito, pinapalawak din ng paaralan ang mga gawain para sa Brigada Eskwela – kabilang dito ang pagpipinta ng mga dingding, pag-aayos ng mga upuan, at pagpapaganda ng bawat silid aralan.
Sa kabilang banda, ibinahagi naman niya na mayroon silang 45 silid-aralan mula Grade 7 hanggang Grade 12, at 101 na teaching staff na magtuturo sa pasukan sa inaasahang mahigit isang libong estudyante.
Samantala, wala pa umanong datos kung ilan ang kabuuang bilang ng mga estudyante para sa pasukan dahil kakasimula palang ang enrollment ng mga estudyante kahapon hunyo 1 hanggang Hunyo 5 ngunit dahil sa Oplan Balik Eskwela Program” ay magpapatuloy ito hanggang Hunyo 11 para malagpasan ang dating bilang ng mga mag-aaral para mapunan ang dagdag na 9 na classroom na gagawin sa kanilang paaralan ngayong taon .
Samantala, nanguna naman ang ilang student leaders sa paaralan sa pamumuno ni Trish Lorraine A. Planos ang SSLG President sa gawain ng Brigada Eskwela 2026, at hinihikayat ang kanilang mga kapwa mag-aaral na sumali sa aktibidad.
Sinabi niya na ang kanilang tungkulin ay maging gabay at ehemplo lalo na para sa mga mag-aaral na nahihiya pa o nag-aalinlangan na makilahok.
Binigyang-diin din nila na mahalaga ang Brigada Eskwela dahil ito ay para sa kapakanan ng lahat ng mag-aaral – hindi lamang para mapaganda ang paaralan kundi higit sa lahat para sa kanilang kinabukasan.










