Inihanda na ng Bureau of Jail Management and Penelogy (BJMP) ang detention cell ni Senator Jinggoy Estrada sa New Quezon City Male Dormitory sa Payatas.
Sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na kaniyang tiniyak ang kahandaan nila sakaling lumabas na ang warrant of arrest ni Estrada sa kasong plunder mula sa Fifth Division ng Sandiganbayan.
Nahaharap ang Senador ng kasong plunder na may kinalaman sa P573 milyon na halaga ng umanoy kickbacks mula sa iba’t-ibang flood control projects.
Magugunitang nitong Biyernes ay naghain si Estrada ng piyansa na aabot sa P90,000 para sa kaso nitong graft kasama si dating Department of Public Works and Highways secretary Manuel Bonoan sa Sandiganbayan Second Division.
Subalit paglilinaw ni Remulla na nasa Sandiganbayan pa rin ang may pasya kung saan nila ilalagak si Estrada sakaling lumabas na ang warrant of arrest nito sa kasong plunder.










