Tiniyak ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Pangasinan na nananatiling ligtas ang lalawigan sa kabila ng naitalang serye ng mga pagyanig o “clustering” ng mga lindol sa karagatan ng Bolinao nitong mga nakaraang araw.

Ayon kay Ron Maegan Equila, ang Earthquake and Tsunami Focal Person at Research and Planning Head ng PDRRMO Pangasinan, nakapagtala ang DOST-PHIVOLCS ng limang (5) mahihinang lindol sa offshore ng Bolinao mula noong madaling araw ng May 27 hanggang hapon ng May 29. Binigyang-diin ni Equila na ang mga ito ay itinuturing na “non-destructive” o hindi nakakasira, at wala ring naitatalang pinsala ang 14 na coastal LGUs sa lalawigan hanggang sa kasalukuyan.

Ipinaliwanag ni Equila na ang clustering na ito ay normal na aktibidad ng Manila Trench, na isang aktibong daluyan ng enerhiya sa ilalim ng dagat. Bagaman wala pang inilalabas na tsunami advisory ang PHIVOLCS, nilinaw niya na kadalasang nangangailangan ng lindol na may magnitude 6.5 pataas na nagmula sa dagat bago ito posibleng magdulot ng tsunami.

--Ads--

Sa kabila ng pagiging mahina ng mga lindol, hinimok ng PDRRMO ang mga residente, lalo na ang mga nasa baybayin, na kabisaduhin ang mga natural signs ng tsunami: malakas na pagyanig ng lupa (ground shaking); kakaibang paggalaw o biglang pag-atras ng tubig sa dagat; at naririnig na kakaibang ugong mula sa karagatan. Sakaling maranasan ang mga ito, pinapayuhan ang publiko na agad lumikas patungo sa mas mataas na lugar (higher ground) at lumayo sa dalampasigan.

Patuloy ang koordinasyon ng PDRRMO sa PHIVOLCS upang magbaba ng verified na impormasyon sa mga counterpart na LGU sa pamamagitan ng kanilang text system at social media. Nakiusap din si Equila sa publiko na huwag basta-basta maniniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon sa social media na layon lamang magdulot ng takot.

Bilang bahagi ng paghahanda, inanyayahan din ang lahat na makilahok sa National Simultaneous Earthquake Drill (NSED) sa darating na June 18, alas-9 ng umaga, upang sanayin ang mga tao sa oras ng totoong kalamidad.