Dagupan City – Iginiit ni Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst, na hindi umano dapat inilarawan ng National Bureau of Investigation (NBI) si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa bilang “armed and dangerous” habang nagpapatuloy ang operasyon ng mga awtoridad kaugnay ng iniulat na arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay Yusingco, mas nararapat umano na nanawagan na lamang ang NBI sa publiko na magbigay ng impormasyon kung may nakakakita o nakakaalam sa kinaroroonan ng senador.
Dagdag pa niya, mas makabubuti rin sanang hinikayat na lamang ng mga awtoridad si Dela Rosa na boluntaryong sumuko upang harapin ang mga isyung ibinabato laban sa kanya.
Sa kabila umano ng pananatili sa pagtatago ni Dela Rosa, sinabi ni Yusingco na mayroon pa rin itong mga kasong dapat harapin upang hindi na magpatuloy ang kanyang pag-iwas sa mga awtoridad.










