Nagpahayag ng galak at pag-asa si Dahlia Cuartero, ina ng isang biktima ng extrajudicial killing (EJK), matapos ang ulat tungkol sa Warrant of Arrest na inisyu ng International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa.

Sa isang eksklusibong panayam, binigyang-diin ni Cuartero na valid ang naturang warrant at kailangang panagutan ng senador ang mga nangyari sa ilalim ng “war on drugs”. Kasabay nito, ipinahayag niya ang kaniyang kalungkutan sa umano’y pagprotekta ng ilang mga mambabatas at politiko kay Dela Rosa upang hindi ito mahuli.

Inalala ni Dahlia ang kaniyang anak na si Jesus Cuartero III, na napatay noong ika-25 ng Marso taong 2019 sa isang operasyon na pinalalabas na buy-bust. Ayon sa ina, nagtatrabaho nang maayos at nakapagtapos ng pag-aaral ang kaniyang anak, na siyang katuwang niya sa pagtataguyod sa kanilang pamilya. Mariing itinanggi ni Dahlia na sangkot ang anak sa ilegal na droga, at iginiit na naghatid lamang ito ng kaibigan nang maganap ang insidente.

--Ads--

Ibinahagi rin ni Cuartero ang hirap na dinaranas ng kanilang pamilya, kabilang ang pambu-bully at harassment sa social media kung saan binabansagan siyang “walang kwentang magulang” o kaya ay “adik” dahil sa kaniyang paglantad sa media.

Dahil dito, mas malaki ang tiwala ni Dahlia sa ICC kaysa sa sistema ng hustisya sa Pilipinas. Aniya, sa Pilipinas ay “kayang-kayang tapalan ng pera ang hustisya,” at nakikita umano ang pagtatago ng mga mambabatas sa mga itinuturing na kriminal. Handa rin siyang magtungo sa Netherlands upang tumayong testigo laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kung kakailanganin at kung may sapat na suportang pinansyal.

Bilang miyembro ng grupong Rise Up for Life and for Rights, nanawagan si Cuartero sa kasalukuyang gobyerno na huwag ipagsawalang-bahala ang kanilang hinaing. Hinimok niya ang Department of Justice (DOJ), PNP, at NBI na isilbi ang warrant kay Dela Rosa upang tuluyan nang makamit ang inaasam na katarungan.

“Ang ICC po talaga ang inaasahan naming magbigay sa amin ng hustisya,” pagtatapos ni Cuartero.