Napatay ang isang 44-anyos na construction worker matapos umanong hampasin ng baseball bat ng isang lalaki sa Barangay Caingal, San Carlos City.
Ayon kay PCapt. Rey Floro Tuanquin, Operation Officer ng San Carlos City PNP, ang biktima ay residente ng Barangay Quezban, Calasiao, Pangasinan.
Aniya nadiskubre ang walang buhay na katawan ng biktima matapos makita ng isang residente sa lugar na nakabulagta sa tabi ng kanyang tahanan.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si alyas “Batotoy,” 23-anyos at residente ng Barangay Caingal.
Sa isinagawang imbestigasyon ng mga kapulisan, napag-alamang may karelasyon ang biktima na isang babae at lumitaw sa imbestigasyon na mayroon ding is pang kasintahan ang naturang babae.
Nagsimula umano ang insidente nang tawagan ng suspek ang kanyang nobya ngunit ang biktima ang sumagot sa telepono.
Dahil dito, nagkaroon umano ng matinding selos ang suspek at umano’y nagplano upang makaharap ang biktima.
Ginamit umano ng suspek ang cellphone ng babae upang anyayahan ang biktima sa isang tagpuan.
Ayon kay Tuanquin, pagdating ng biktima, hindi nito nakita ang babae.
Makalipas ang ilang sandali, biglang lumitaw ang suspek at pinaghahampas umano ng baseball bat ang biktima, na unang tumama sa kanyang batok.
Bagama’t nakatakbo pa ng ilang metro ang biktima, nawalan din ito ng malay at muli umanong inabutan ng suspek na nagpatuloy sa pananakit hanggang sa ikamatay nito.
Samantala, may apat na saksi umanong nakakita sa pangyayari, kabilang ang isa na kamag-anak ng suspek.
Natunton naman ng mga awtoridad ang baseball bat na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.
Nagsagawa rin ng manhunt operation ngunit hindi naabutan ang suspek sa kanyang bahay.
Patuloy naman ang pagtugis ng pulisya kay Gonzales na nahaharap sa kasong murder.










