Nilinaw ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA Dagupan na hindi pa opisyal na nagsisimula ang tag-ulan sa Pangasinan sa kabila ng sunod-sunod na pag-ulan na nararanasan sa mga nakalipas na araw.
Ayon kay Jose Estrada Jr., ang nararanasang pag-ulan ngayon ay dulot pa lamang ng localized thunderstorms o mga panandaliang pagkulog at pagkidlat na karaniwang nangyayari tuwing hapon hanggang gabi.
Ipinaliwanag nito na normal lamang ang pagkakaroon ng mga pag-ulan lalo na kapag mainit ang panahon sa umaga at hapon na nagiging dahilan ng pagbuo ng cloud clusters na nauuwi sa thunderstorms.
Sinabi rin nito na bagama’t isa itong senyales ng papalapit na wind shifting o pagbabago ng ihip ng hangin na kaugnay ng tag-ulan, hindi pa ito sapat upang ideklarang nagsimula na ang rainy season.
Ayon sa PAGASA, may sinusunod na criteria bago opisyal na ideklara ang pagsisimula ng tag-ulan kabilang ang pagkakaroon ng hindi bababa sa 25 millimeters na ulan sa loob ng limang araw o tatlong magkasunod na araw ng pag-ulan na may higit sa isang millimeter ng ulan.
Dagdag pa nito, kinakailangan ding maabot ng hindi bababa sa walo hanggang sampung monitoring stations ang naturang criteria bago tuluyang ideklara ang simula ng tag-ulan.
Sa ngayon ay inaasahan pa rin umano ang mga localized thunderstorms lalo na pagsapit ng hapon, gabi, at madaling araw.
Ipinaliwanag din ng PAGASA na wala pang nakikitang sama ng panahon sa loob o labas ng Philippine Area of Responsibility habang ang Intertropical Convergence Zone o ITCZ ay nananatiling nakaaapekto lamang sa Southern Luzon hanggang Mindanao.
Nagpaalala rin ang PAGASA sa publiko na mag-ingat tuwing may thunderstorms lalo na sa mga matataas na lugar, ilalim ng puno, at mga lugar na maaaring tamaan ng kidlat.
Pinayuhan din ang mga residente na tiyaking ligtas ang kanilang tahanan lalo na ang mga bintanang salamin upang maiwasan ang aksidente dulot ng malalakas na hangin at pagkulog.
Nagbigay rin ng paalala ang PAGASA sa mga mangingisda sa Pangasinan na maging maingat sa paglalayag lalo na kapag may inilalabas na gale warning dahil maaaring maging mapanganib ang kondisyon ng karagatan at lakas ng alon kahit walang bagyo.










