Pinaghahandaan na ng Pamahalaang Bayan ng Calasiao, sa pangunguna ni Mayor Patrick Caramat, ang nalalapit na tag-ulan upang mabawasan ang epekto ng pagbaha sa iba’t ibang barangay sa bayan.

Sa isinagawang pagpupulong ng Calasiao Flood Resilience and Mitigation Management Council (CFRMMC), tinalakay ng mga kinauukulang tanggapan ang mga konkretong hakbang upang tugunan ang matagal nang problema sa pagbaha tuwing panahon ng tag-ulan.

Ayon sa Caramat, nagsagawa na ng koordinasyon ang Engineering Office at Municipal Planning and Development Office (MPDO) sa bawat barangay upang inspeksyunin ang kalagayan ng mga drainage system. Sa kanilang pagsusuri, napag-alamang may ilang drainage lines na hindi magkakakonekta, dahilan upang mabagal ang paghupa ng tubig sa mga apektadong lugar.

--Ads--

Bukod dito, nakita rin ang pangangailangan ng agarang paglilinis sa mga kailugan at iba pang waterways upang maibalik ang maayos na daloy ng tubig.

Kamakailan lamang ay pormal nang itinurn-over ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa LGU Calasiao ang isang joint river restoration project, na malaking tulong upang mapabilis ang flood mitigation efforts ng bayan.

Kabilang sa mga susunod na hakbang ng lokal na pamahalaan ang pagtukoy sa mga creek at daluyan ng tubig upang masuri kung saan maayos na makakadaloy ang tubig-baha.

Pinag-aaralan din ang paglulunsad ng programang “Adopt a Creek”, na layuning mapanatiling malinis ang lahat ng daluyan ng tubig sa Calasiao sa pamamagitan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor.

Kasama sa CFRMMC ang mga kinatawan mula sa private sector, educational institutions, non-government organizations, mga barangay, at lokal na pamahalaan upang sama-samang makahanap ng pangmatagalang solusyon sa problema sa baha.

Dagdag pa ng alkalde, hindi man sapat ang kagamitan at pondo ng bayan upang tugunan nang mag-isa ang naturang suliranin, malaking bagay ang tulong mula sa provincial government, kabilang ang paggamit ng mga heavy equipment para sa excavation ng mga soil impediments sa mga ilog.

Sa pamamagitan ng naturang paghuhukay, unti-unti nang naibabalik ang natural na agos ng tubig sa mga kailugan, na inaasahang makatutulong upang mas mapabilis ang paghupa ng baha sa oras ng matinding pag-ulan.

Bagama’t hindi maipapangako ng alkalde na tuluyan nang mawawala ang pagbaha, umaasa itong malaki ang maitutulong ng mga inilulunsad na proyekto upang mabawasan ang pinsala at maprotektahan ang mga residente.

Giit ni Mayor Caramat, mas mabuting maging handa at maagap kaysa maghintay ng mas malaking problema na mangangailangan pa ng mas mahabang panahon bago maresolba.