DAGUPAN CITY- Matagumpay na naisagawa ang Buntis Congress ng lokal na pamahalaan ng Mapandan kamakailan para sa 100 benepisyaryong buntis mula sa iba’t ibang barangay ng bayan.

Pinangunahan ni Municipal Health Officer Dr. Karessa Quinto-Ortiz ang aktibidad sa tulong ng suporta ng alkalde na si Mayor Karl Christian Vega bilang bahagi ng patuloy na programa para sa kalusugan at kapakanan ng mga buntis.

Nagkaroon ng health education sessions at konsultasyon upang mabigyan ng sapat na kaalaman ang mga dumalo hinggil sa tamang pangangalaga sa panahon ng pagbubuntis at paghahanda para sa ligtas na panganganak.

--Ads--

Bukod dito, tumanggap din ng buntis kits ang bawat benepisyaryo bilang dagdag na suporta para sa kanilang kalusugan at sa maayos na pagbubuntis.

Ayon sa lokal na pamahalaan, layunin ng programa na mapalakas pa ang maternal health services ng bayan at matiyak ang ligtas at malusog na panganganak para sa mga ina at kanilang mga sanggol.