DAGUPAN CITY- Hindi umano insidente ang biglaang pagpapalit ng senate president at pinag-usapan na ito ng mga magkakaalyansa sa politika.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Atty. Francis Dominick Abril, Legal/Political Consultant, intensyonal at may kinalaman sa papalapit na 2028 Presidential Elections ang pagpalit ni Sen. Alan Peter Cayetano kay Sen. Tito Sotto III bilang senate president.

Aniya, ang 13 boto pumabor kay Cayetano ay nakikitang haharang sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte sa impeachment court bilang pagpapakita ng ‘loyalty’ sa sinusuportahang politika.

--Ads--

Umaasa si Abril na papakinggan pa rin ng mga ito ang mga ebidensya na ipepresenta sa paglilitis.

Bukod pa riyan, hindi malabong may kinalaman din sa pagtakbo ng bise presidente sa Presidential Elections ang nangyaring pagpapapalit ng senate president.

Gayunpaman, sa mismong proceedings ng impeachment court, kailangan respetuhin ni VP Duterte ang pagpapatawag ng senado sa kaniya na humarap sa paglilitis.

Mungkahi naman ni Abril na ang isasagawang impeachment ay hindi na aabutin pa ng 2028 Elections.

Samantala, kung sakaling umabot sa 16 ang bumoto bilang pabor sa impeachment, matatanggal sa katungkulan ang impeachable officer at permenanteng ‘disqualified’ na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.

Habang maghahalal sa 24 senador ng hahalili sa bise presidente at walang batas na nagsasabing ang senate president ang agarang papalit.