Iginiit ni U.S. Defense Secretary Pete Hegseth na hindi pa tuluyang natatapos ang tigil-putukan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, sa kabila ng magkahiwalay na pag-atake ng dalawang panig sa Strait of Hormuz.
Ayon kay Hegseth, sinusubukan umano ng Iran ang tinawag niyang “international extortion” sa nasabing ruta, ngunit tiniyak niyang matatapos ito sa pamamagitan ng planong “Project Freedom.”
Dagdag pa niya, mayroong umano’y “red, white and blue dome” na nagpoprotekta sa rutang pandagat, at patunay aniya nito ang ligtas na pagdaan ng dalawang komersyal na barko ng US noong Lunes.
Samantala, nagbabala ang pangunahing negosyador ng Iran na “nagsisimula pa lamang” ang kanilang hakbang laban sa US, na nagpapahiwatig ng patuloy na tensyon sa rehiyon.
Ang planong “Project Freedom” ni US Pres. Donald Trump ay naglalayong gamitin ang militar ng US upang tulungan at igiya ang mga na-stranded na cargo ship palabas ng Strait of Hormuz.
Ngunit mariing iginiit ng Iran na kontrolado nito ang naturang rutang pandagat. Ayon sa ulat ng US, nagpaputok umano ang Iran ng mga missile at drone laban sa mga barkong militar at komersyal kamakailan.
Sa pinakahuling datos, may humigit-kumulang 22,500 marino mula sa 1,550 komersyal na sasakyang-dagat ang kasalukuyang naipit sa Golpo dahil sa umiigting na sigalot.










