DAGUPAN CITY- Tiniyak na naitataguyod ang mas pinaigting na kalinisan, disiplina, at kaayusan sa operasyon ng old at new public market sa San Carlos City sa pamamagitan ng tuloy-tuloy na paglilinis, tamang segregasyon ng basura, at regular na flushing ng mga drainage at daanan sa loob ng pamilihan.
Ayon kay Joseph Fernandez – Supervisor, San Carlos City Public Market, isinasagawa ang lingguhang flushing mula sa gitnang bahagi ng pamilihan patungo sa itinakdang dumpsite upang matiyak na hindi naiipon ang dumi at basura sa paligid ng palengke.
Sinabi niya na patuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng waste segregation kung saan ang mga nabubulok na basura, partikular ang mga gulay mula sa vegetable section, ay kinokolekta at ginagamit bilang pakain sa mga alagang hayop ng mga residente.
Ibinahagi rin niya na mas pinaigting ang pagpapatupad ng ordinansa na nagbabawal sa pag-inom ng alak sa loob ng palengke sa tulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG), kasabay ng pagpapaalala sa mga vendor na sundin ang tamang kaayusan sa kani-kanilang pwesto upang maiwasan ang kalat-kalat na tindahan at mapanatili ang organisadong daloy ng mga tao sa palengke.
Dagdag pa ni Fernandez, hindi tinatanggap ng pamunuan ang basura mula sa ibang barangay na itinatapon sa hindi tamang oras, at agad itong ibinabalik upang mapanatili ang disiplina sa solid waste management. Giit niya, tanging basura mula sa mismong pamilihan lamang ang inaasikaso ng kanilang mga kolektor upang maiwasan ang sobrang dami ng basura na hindi kayang hawakan ng kanilang sistema.
Samantala, patuloy din ang pagsasaayos ng drainage system sa palengke upang matugunan ang problema ng pagbaha tuwing may malalakas na pag-ulan.
Naglagay rin ng malinaw na parking area sa open ground upang mas maayos ang daloy ng sasakyan at maiwasan ang pagsisikip sa paligid ng pamilihan.
Paalala pa ni Fernandez sa mga mamimili at vendor na maging maingat sa kanilang mga personal na gamit at iba pang mahahalagang kagamitan upang maiwasan ang pagkawala ng mga ito, at patuloy na makipagtulungan sa pamunuan upang mapanatili ang kaayusan, kalinisan, at kaligtasan sa loob ng public market.










