Dagupan City – Dinaluhan ng mga job seeker mula sa iba’t ibang bahagi ng Pangasinan ang Labor Day Job Fair na isinagawa ng Department of Labor and Employment (DOLE) Central Pangasinan sa Robinsons Mall sa bayan ng Calasiao, kung saan inaalok ang mahigit 7,000 bakanteng trabaho mula sa lokal at overseas na employer.

Bahagi ito ng ika-124 taon Labor Day na may temang ” Disenteng Trabaho para sa lahat: Iisang hangarin Bagong Pilipinas Sama-Samang Mararating”.

Bukod sa malawak na pagpipilian ng mga trabaho, tampok din sa kaganapan ang mga libreng serbisyo mula sa ilang ahensya ng gobyerno – kabilang ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga benepisyo ng manggagawa, pagpaparehistro para sa mga programa ng pag-aaral at pagtatrabaho sa ibang bansa, at mga serbisyo para sa mga dokumentong kailangan para sa paghahanapbuhay.

--Ads--

Kasama din dito ang pagbibigay ng livelihood assistance sa 4 na benepisyaryo, Tupad PayOut mula sa bayan ng Calasiao na nasa 500 beneficiaries na makakatanggap ng 5050 pesos, mayroon ding Kadiwa ng Pangulo.

Ayon kay Rhodora Dingle, na layunin ng kaganapan na bigyan ng pagkakataon ang mga manggagawa at mga gustong makapagtrabaho na makahanap ng angkop na hanapbuhay.

Idinagdag din na marami sa mga employer ang nag-alok ng mga trabaho kung saan nasa 24 na lokal at 4 na overseas na may karampatang sahod at benepisyo, habang patuloy namang sinusubaybayan ng DOLE ang mga aplikante para matiyak na makakakuha sila ng trabaho na angkop sa kanilang kasanayan.

Bukod pa rito, binigyang-diin na handa rin ang DOLE na magbigay ng tulong sa mga manggagawang may kapansanan at sa mga nasa informal sector para mabigyan sila ng mga pagkakataong makapagtrabaho.

Ibinahagi naman ni Denielle Ren Visperas ang Auditor ngTribu Pandan Association na nakatanggap ng humigit-kumulang 1 milyong piso para sa livelihood assistance na magagamit ng grupo para makapagsimula ng negosyo na t shirt printing shop.

Nagpasalamat ito sa DOLE sa oportunidad na binigay sa kanila na makakatulong sa halos 50 miyembro ng kanilang asosasyon at makakaasa umano ang ahensya na papalaguin nila ito.

Samantala, mayroon ding tampok na HOTS o Hired on the Spot ang nasabing Job Fair kung saan isa si Bernadette De Guzman Tucay ang nakakuha agad ng trabaho bilang production operator sa isang kumpanya sa bayan ng Binalonan.

Labis aniya ang tuwa nito dahil natanggap siya agad dahil sa halos 1 taon na itong walang trabaho.

Pagbabahagi nito na bago ito pumunta sa job fair ay nagpunta muna niya sa simbahan para manalangin habang binanggit din nito na ang kanyang magiging unang sahod sa trabaho ay ibibigay niya sa kanyang pamilya.