Nasawi ang Defense Minister ng Mali na si Sadio Camara matapos ang umano’y suicide truck bombing sa kanyang tirahan malapit sa kabisera na Bamako, kasabay ng malawakang coordinated attacks sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ayon sa ulat, isang sasakyang puno ng pampasabog ang sumalpok sa residence ng opisyal sa Kati, na sinasabing isinagawa ng mga militanteng grupo na konektado sa al-Qaeda.
Nasawi rin ang ilang miyembro ng kanyang pamilya at iba pang sibilyan matapos gumuho ang bahagi ng gusali at maapektuhan ang kalapit na mosque.
Kinumpirma kalaunan ng state media na si Camara ay nasawi dahil sa tinamong sugat matapos makipagbakbakan pa umano sa mga umatake bago siya tuluyang namatay sa ospital.
Bukod kay Camara, inilikas din si junta leader Gen. Assimi Goïta matapos targetin ang kanyang tirahan.
Ang mga sabayang opensiba ay iniugnay sa mga jihadist group na kaugnay sa al-Qaeda at Islamic State, pati na rin sa separatist group na Azawad Liberation Front na nag-ooperate sa hilagang bahagi ng bansa.
Kasabay nito, iniulat din ang pag-atras ng mga Russian mercenaries na kasama ng militar ng Mali mula sa ilang lugar sa Kidal matapos ang ilang araw ng bakbakan, bagama’t wala pang opisyal na kumpirmasyon mula sa Russia.










