Nanindigan si Justice Secretary Frederick Vida na hindi niya itinuturing na “impossible” ang patuloy na paghahanap sa puganteng dating kongresista na si Zaldy Co, na umano’y sangkot sa kaso ng malversation ng bilyon-bilyong pisong pondo para sa flood control projects.

Sa isang pahayag nitong Linggo matapos dumalo sa misa sa Church of Our Lady Victorious at The Infant Jesus of Prague, Czech Republic, sinabi ni Vida na patuloy ang koordinasyon ng Pilipinas sa mga awtoridad sa Europa, kabilang ang pakikipagpulong sa Ministry of Justice ng Czech Republic.

Ayon sa DOJ chief, isinama niya sa panalangin ang tagumpay ng kanilang misyon, at ang pagpapatuloy ng paghahanap at posibleng pagpapauwi kay Co sa Pilipinas.

--Ads--

Magugunitang si Co ay umalis ng bansa noong kalagitnaan ng 2025 para umano sa kanyang medical check-up ngunit hindi na bumalik matapos masangkot sa maanumalyang flood control projects.

Siya ay dating chair ng House Appropriations Committee at inaakusahan na may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa pag-apruba ng pondo.

Nauna nang kinansela ng pamahalaan ang kanyang pasaporte matapos ang mga alegasyon mula sa ilang contractor at opisyal ng gobyerno.

Lumabas din kamakailan ang mga ulat ng umano’y pagkakaaresto kay Co sa Czechia, ngunit nilinaw ng mga awtoridad na hindi pa ito kumpirmado.

Sa kabila ng kontrobersiya, sinabi ni Vida na nananatili siyang nakatuon sa kanilang mandato.

“Kapag hindi na natin kaya, hihingi tayo kay Lord ng tulong,” ani Vida.

Ikinuwento rin niya ang kanyang pagdalo sa misa, na ayon sa kanya ay tumalakay sa “Good Shepherd,” isang mensahe ng paghahanap sa nawawalang tupa.