Dagupan City – Patuloy ang pagtaas ng heat index sa Pangasinan kung saan ay umaabot na ito sa 41 degrees Celsius.
Ayon kay Jose Estrada Jr., Chief Meteorologist Officer ng PAGASA Dagupan, batay sa pinakahuling monitoring, nasa 39 degrees Celsius ang kasalukuyang heat index ngunit inaasahang tataas pa ito habang nagpapatuloy ang tinatawag na warm stage o yugto ng pag-init ng temperatura.
Dahil dito, inaasahan ang patuloy na pagtaas ng init sa buong rehiyon.
Sa pagsusuri ng mga weather monitoring domain kabilang ang Philippine Area of Responsibility, Tropical Cyclone Advisory, at Tropical Information Domain, wala pang namo-monitor na low pressure area o bagyo sa loob at labas ng bansa.
Sa halip, ang umiiral na ridge of high-pressure area ang nagdudulot ng mainit at maalinsangang panahon sa Pangasinan.
Ayon pa kay Estrada, noong nakaraang taon ay umabot sa 42 degrees Celsius ang heat index sa mga buwan ng Marso at Abril at lalo pang tumaas sa Mayo na umabot sa 50 degrees Celsius.
Dahil dito, patuloy ang masusing pagbabantay sa pagtaas ng temperatura sa lalawigan na kabilang sa mga nakararanas ng matinding init sa bansa.
Pinapayuhan ang publiko, lalo na ang mga matatanda at yaong matagal na nabibilad sa araw, na mag-ingat laban sa heat stroke at heat cramps.
Inirerekomenda ang pag-inom ng sapat na tubig, pag-iwas sa matagal na pagkabilad sa araw, at pagsunod sa mga inilalabas na forecast ng PAGASA.
Nagpapatuloy rin ang pagbibigay ng regular na weather updates upang magsilbing gabay ng mga lokal na pamahalaan at mamamayan sa pagharap sa matinding init at maiwasan ang mga posibleng sakit at insidente dulot nito.










