Ibinunyag ng isang empleyado ng contractor na SYMS Construction sa Sandiganbayan na umano’y naghatid sila ng humigit-kumulang P299 million na cash na nakalagay umano sa mga kahon ng grocery sa opisina ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Assistant District Engineer Brice Hernandez.
Kinilala ang testigo na si Monica Ocampo-Santos, isang liaison officer ng SYMS Construction, dito pinatotoo niya na ang naturang pera ay para umano sa limang government infrastructure projects na nakuha ng kumpanya gamit ang lisensyang ipinahiram ni Hernandez sa kanila.
Sa kanya pang salaysay, sinabi rin ni Ocampo-Santos na bahagi ng halagang P299 million ang P74 million na may kaugnayan sa sinasabing ghost projects na nagkakahalaga ng P92.8 million sa Pandi, Bulacan.
Ipinakita rin niya sa korte ang mga mensahe nang iskedyul ng paghahatid ng pera sa dating DPWH official.
Sa parehong pagdinig, sinabi rin ni Ocampo-Santos na ilang opisyal ng DPWH kabilang si Hernandez at iba pang district engineers ang naging principal sponsors sa kanyang kasal, na umano’y hiling din ng kanyang amo.










