Binasag na ng aktor at businessman na si Slater Young ang kaniyang katahimikan kaugnay sa mga batikos na kinakaharap ng proyekto nilang Monterrazas, na isinasangkot ng ilan bilang isa sa mga sanhi ng matinding pagbaha sa Cebu noong Nobyembre 2025.
Sa kanyang pahayag, nilinaw ni Young na hindi ang naturang development project ang pangunahing dahilan ng malawakang pagbaha na tumama sa lungsod.
Ayon sa kanya, batay sa isinagawang mga pag-aaral at pagsusuri, ang pangunahing sanhi ng insidente ay ang bigla at malakas na pagtaas ng volume ng tubig-ulan na lumampas sa kapasidad ng mga kasalukuyang drainage at natural waterways sa lugar.
Giit pa niya, mahalagang tingnan ang isyu batay sa scientific at technical data sa halip na agad magbintang sa mga development projects na isinasagawa sa lungsod.
Aniya, ang maling pag-uugnay ng mga proyekto sa natural na kalamidad ay maaaring magdulot ng kalituhan at maling pag-unawa sa tunay na problema ng pagbaha.
Dagdag pa ni Young, nararapat lamang umano para sa Cebu na makahanap ng “tunay na solusyon” sa paulit-ulit na problema ng pagbaha.
Kabilang dito ang mas malawak na flood control measures, maayos na urban planning, at mas pinatibay na imprastraktura na kayang umangkop sa lumalalang epekto ng matitinding pag-ulan.










