DAGUPAN CITY—Nanawagan si Roland Simbulan, chairperson ng Center for People Empowerment in Governance, na agad simulan ng pamahalaan ang proseso upang matiyak ang agarang deportasyon ni Zaldy Co, kasunod ng ulat ng kanyang pagkakaaresto sa Czech Republic. Ayon sa kanya, dapat itong gawin kung kumpirmadong nasa kustodiya na siya ng mga awtoridad, sa tulong ng Interpol.
Ipinunto rin ni Simbulan na matagal bago nakansela ang pasaporte ni Co, na nagbigay umano rito ng pagkakataong makapagtago nang mas matagal bilang isang fugitive. Posible rin aniya na may mga hakbang itong ginawa upang lalong maging mahirap para sa mga awtoridad ng Pilipinas na siya ay matunton at maisailalim sa paglilitis.
Binigyang-diin niya na hindi dapat magkaroon ng anumang hadlang sa pagpapatupad ng mga kaso laban kay Co, lalo na’t iniuugnay ang mga umano’y anomalya sa pinsan ng Pangulo na si Martin Romualdez. Dagdag pa niya, hindi dapat magtapos ang imbestigasyon sa pagkakaaresto ni Co lamang, dahil marami pa umanong mas malalaking personalidad na malaya pa ring nakakalakad.
Ayon pa kay Simbulan, maaaring senyales din ito mula sa Malacañang at sa Pangulo para itulak ang pagkumpleto ng proseso kaugnay ng impeachment trial ni Sara Duterte.
Binanggit din niya ang posibilidad na subukan ni Co na makipagkasundo upang makaligtas, kabilang ang pagiging state witness kapalit ng pagbawas ng mga kaso laban sa kanya.
Malabo rin umano itong makakuha ng politrical asylum dahil ito ay karaniwang ibinibigay lamang ito sa mga kasong hindi kriminal.
Iminungkahi rin niya na kung magpapatuloy ang ganitong mga pangyayari, dapat palakasin ng pamahalaan ang sistemang hudisyal ng bansa upang hindi na umasa sa mga internasyonal na hukuman at maipakita na gumagana ang sistema ng hustisya sa Pilipinas.
Bagama’t hindi tiyak ni Simbulan kung si Co ang pinakamalaking sangkot sa mga anomalya, sinabi niyang batay sa mga pangalan sa ebidensya, isa ito sa maraming malalaking personalidad na nadadawit sa nasabing iskandalo.
Aniya, pagkakataon din ito para sa Pangulo na patunayan na wala siyang kinikilingan sa usapin ng korapsyon, lalo na’t siya mismo ang naglantad ng isyu sa kanyang huling State of the Nation Address.
Dagdag pa niya, maaari rin itong maging hakbang upang linisin ang pangalan ng pamilyang Marcos, lalo na kung balak pa nito at ng kanyang pamilya na magpatuloy sa politika at maghanda para sa 2028 Presidential elections.










