Nagbabala ang militar ng Iran na maaari nitong hadlangan ang paglalayag ng mga barkong pangkalakalan sa mga mahahalagang rutang pandagat tulad ng Persian Gulf, Red Sea, at Gulf of Oman kung magpapatuloy ang naval blockade ng United States.

Ayon sa isang mataas na kumander ng Iran, kapag sinubukan ng US na lumikha ng “hindi ligtas na kalagayan” para sa mga komersyal na barko at oil tanker ng Iran, hindi nila papayagang magpatuloy ang anumang pag-export o pag-import sa tatlong pangunahing daanan ng dagat.

Matatandaang nagsimula ang US naval blockade sa mga pantalan ng Iran noong Lunes.

--Ads--

Ayon sa militar ng Amerika, walang barkong nakalusot sa unang 24 oras ng operasyon at batay sa tracking data, may isang barko umanong napilitang bumalik.

Sinabi naman ni US President Donald Trump na ang China ay “labis na masaya” sa kanyang hakbang na “permanenteng buksan ang Strait of Hormuz,” at iginiit niyang ginagawa niya ito para sa China at sa buong mundo.

Samantala, isang mataas na opisyal ng US ang nagsabi na patuloy ang mga pag-uusap para palawigin ang ceasefire sa Iran.

Sinabi rin ng tagapagsalita ng Iran na nagpapatuloy ang palitan ng mensahe kaugnay ng posibleng negosasyon.