DAGUPAN CITY- Nakapagtala ang bayan ng Natividad ng kaso ng pagkalunod sa nakalipas na Semana Santa.
Ayon kay Levi Toledo Soriano, OIC ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Natividad na nangyari ito noong miyerkules sa isang irrigasyon at hindi sa tourist destination o resort ng kanilang bayan.
Kinilala ang biktima na isang 35-anyos na na lalaki na taga- Nueva Vizcaya kung saan nalunod matapos lumangoy sa irigasyon pagkatapos kumain.
Nakuha siya ng mga lokal na residente at binigyan ng CPR bago dumating ang kapulisan at BFP.
Idinagdag pa niya na agad na dinala ang biktima sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Sa kabilang banda, bumaba ang naging tourist arrival ng 30% dahil sa krisis sa langis ngunit sa kanilang assessment sa mga kilalang tourist destination sa bayan gaya ng Maranum Falls at Sky Plaza ay naging maayos at mapayapa naman ang kabuuan ng Semana Santa.
Nagdeploy sila ng 98 tauhan mula sa iba’t ibang ahensya kabilang ang PNP, BFP, at LGU para tiyakin ang kaligtasan ng mga turista.
Saad niya na may mga minor incident lang ang naitala sa mga ito gaya ng pasa o gasgas at pagkahilo.
Samantala, nagpaalala ito sa publiko tungkol sa mga may planong bumisita sa bayan ng Natividad na sumunod sa mga alituntunin ng pook pasyalan para hindi magmulta o mapahamak lalo na ngayong bakasyon.










