DAGUPAN CITY- Nakapag-aresto ang Dagupan City Police Office (DCPO) ng tatlong indibidwal sa magkahiwalay na anti-illegal drugs buy-bust operation kung saan nakasamsam sila ng hinihinalang shabu na may kabuuang halagang ₱33,610.00.
Bahagi ang operasyon sa pinalakas na kampanya ng PNP laban sa ilegal na droga sa lungsod.
Sa unang operasyon, isinagawa ito sa Barangay Mangin kung saan pinangunahan ng mga tauhan ng Police Station 3 kasama ang ilang yunit ng kapulisan at PDEA RO1 na nagresulta ng pag-aresto sa isang 44-anyos na lalaking residente ng Brgy. Bonuan Gueset.
Nakuha mula sa kanya ang isang sachet ng hinalang shabu na tumitimbang ng 1.5 gramo na may halagang ₱10,200, kasama ang marka at boodle money na ginamit sa transaksyon.
Sumunod sa Barangay Pantal na pinangunahan ng mga tauhan ng Police Station 1 nakapag-aresto ng isang 27-anyos na lalaki mula rin sa Brgy. Bonuan Gueset.
Nasabat mula sa kanya ang apat na sachet ng hinalang shabu na tumitimbang ng 2.2 gramo na may halagang ₱14,960, kasama ang marka at boodle money.P
Panghuli ay isinagawa sa Barangay Malued na pinangunahan ng mga tauhan ng Police Station 4 na nakapag-aresto ng isang 43-anyos na babaeng katulong mula rin sa Brgy. Bonuan Gueset.
Nasamsam mula sa kanya ang isang sachet ng hinalang shabu na tumitimbang ng 1.3 gramo na may halagang ₱8,450, kasama ang marka at boodle money.
Isinagawa ang lahat ng operasyon alinsunod sa mga alituntunin ng Korte Suprema tungkol sa paggamit ng Body-Worn Cameras at Alternative Recording Devices, kung saan naidokumento ang mga ito sa tunay na oras.
Sa Kasalukuyan nasa kustodiya na ng DCPO ang mga suspek at mga nasabat na ebidensya, at inihahanda na ang mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) para sa paghahain sa korte.










