DAGUPAN CITY- Arestado ang isang 27-anyos na lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng Urbiztondo Police Station sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 1, bandang alas-8:20 ng gabi noong Marso 27, 2026 sa nasabing bayan.
Ang suspek, na residente ng Bayambang, ay nasakote sa ikinasang operasyon sa ilalim ng pamumuno ni Fernan L Rivera, Acting Chief of Police ng Urbiztondo Police Station.
Nakumpiska mula sa suspek ang humigit-kumulang isang gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang kabuuang halagang P6,800 batay sa umiiral na Standard Drug Price.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Urbiztondo Police Station ang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Mahaharap ito sa kasong paglabag sa Section 5 o pagbebenta at Section 11 o pag-iingat ng ipinagbabawal na gamot sa ilalim ng Republic Act No. 9165.
Tiniyak naman ng pamunuan ng pulisya na patuloy nilang paiigtingin ang kampanya laban sa iligal na droga upang mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng mga residente sa Urbiztondo.










