Hindi sapat na tingnan bilang positibo ang paghina ng piso kontra dolyar, taliwas sa pahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maaari itong magdulot ng benepisyo sa mga exporter at mga Overseas Filipino Workers (OFWs)
Iginiit ni Sonny Africa, Executive Director ng IBON Foundation, bagama’t maaaring tumaas ang halaga ng napapalitang piso mula sa dolyar ng mga OFW, agad din itong nababawi ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Binigyang-diin niya na pangunahing mandato ng BSP ang pagkontrol sa inflation.
Sa kasalukuyang sitwasyon, aniya, ang paghina ng piso ay lalong nagpapamahal sa mga inaangkat na produkto, lalo na ang langis, na may domino effect sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Dagdag pa niya, maraming OFW ang napipilitang manatili sa ibang bansa kahit sa mga lugar na may kaguluhan dahil sa kakulangan ng oportunidad sa Pilipinas.
Para sa kanila, mas malaking panganib ang kawalan ng trabaho sa sariling bansa kaysa sa panganib sa abroad.
Pinabulaanan din ni Africa ang sinasabing pakinabang ng export sector sa mahinang piso.
Aniya, malaking bahagi ng eksport ng bansa ay kontrolado ng mga dayuhang kumpanya, at wala pang 20% nito ang maituturing na likha ng mga Pilipino.
Para sakanya, hindi maaaring paghiwalayin ang usapin ng exchange rate sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Kritikal din siya sa tugon ng pamahalaan, partikular sa deklarasyon ng “national energy emergency” na aniya’y hindi sapat upang magpatupad ng mas agresibong hakbang tulad ng price freeze o dagdag na subsidiya.
Iginiit ni Africa na ang pangmatagalang solusyon ay ang pagpapalakas ng lokal na agrikultura at industriya.
Sa huli, nanawagan ito sa pamahalaan na maglatag ng konkretong hakbang upang protektahan ang mga mamimili at suportahan ang mga sektor na apektado ng tumataas na presyo.









